Ayon sa Senate blue ribbon committee, kumita ng P40 milyon ang isang taong tumulong sa PIATCO para makakuha ng papabor sa kontrata nila sa NAIA Terminal 3 habang ang isang PR man ay sumingil umano ng P500,000 hanggang P4 milyon sa bawat kontraktor at supplier ng PIATCO para malibre sa pagbabayad ng value added tax sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Hindi naman naniwala ang mga senador na PR money ang tinanggap ni PR consultant ng PIATCO na si Alfonso Leongson kundi panuhol umano ito. Batay sa naging imbestigasyon ng senado, tumanggap si Leongson ng $600,000 para sa kontratang pawang pumapabor sa PIATCO at sa paghirang sa German company na Fraport at sa kompanya ni Vic Cheng Yong para pamahalaan ang terminal 3.
Natuklasan ng blue ribbon committee na kikita sana ng $5.5 milyon o mahigit sa P275 milyon si Leongson mula June 2001-December 2002 kung hindi nabuko ng NEDA ang kontrata nito sa PIATCO.
Batay sa kontrata, tatanggap si Leongson ng $1.7 milyon (P85M) para sa mga kontratang makukuha niya sa gobyerno para sa PIATCO at $3.8 milyon para sa kabuuang sahod nito. (Ulat ni Rudy Andal)