Sa 19-pahinang resolution ng Supreme Court (SC), pormal na pinawalang bisa ng Mataas na Hukuman ang Joint Venture Agreement (JVA) ng PEA-AMARI deal.
Sa botong 9-4-1, binalewala lamang ng mayorya ng mga mahistrado ang inihaing motion for reconsideration ng nasabing kumpanya na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng Korte kaugnay sa nasabing kaso at magsagawa rin ng isang oral argument.
Nanindigan din ang SC sa nauna nilang desisyon na dapat ideklarang "null and void" ang naturang bentahan ng lupa sa Freedom Island at submerge areas sa palibot ng nasabing lugar.
Malinaw din umano na labag sa Konstitusyon ang nasabing bentahan sa nasabing lupain dahil sa hindi maaring makakuha o makabili ang isang private corporation sa anumang uri ng alienable land of public domain.
Subalit nilinaw din sa nasabing resolusyon na kahit na pinawalang bisa ang JVA sa pagitan ng PEA at Amari ay maaari pa rin umanong mabawi ng huli ang kanilang ibinayad sa PEA sa pamamagitan ng proper proceedings.
Itoy upang hindi maging unlawful enrichment sa nasabing ahensiya ang naging desisyon ng SC.
Ipinaalala din ng SC sa mga nasabing ahensiya na magsagawa ng arbitration tulad ng kanilang naunang ipinayo sa kaso ng PIATCO at NAIA Terminal 3 issue. (Ulat ni Gemma Amargo)