Sinabi ni Presidential Adviser on Mindanao Affairs Jesus Dureza na nagkakaisang pinagtibay sa ginanap na emergency meeting kahapon ng Cabinet Oversight Committee on National Security na lagyan ng P50M ang mga ulo nina MILF chairman Hashim Salamat, MILF spokesman Eid Kabalu, MILF vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar, Al Hadj Murad na pinuno ng sandatahang grupo ng MILF at Ali Mimbantas.
Mahigpit na kinondena ni Pangulong Arroyo ang pag-atake sa Siocon at hinamon ang mga lider ng MILF na isuko ang lahat na may kagagawan ng pag-atake.
Sinabi ng Pangulo na ang ganitong pag-atake ay isang uri ng terorismo at hindi puwedeng maipagkamaling ginawa para isulong ang ideyolohiya ng grupong Muslim.
Sinabi ni Dureza na mananatiling suspindido ang negosasyong pangkapayapaan sa MILF hanggang hindi tumatalima ang grupong rebelde sa kasunduang tigil-putukan.
"Hindi natin puwedeng ikumpromiso ang ganitong mga karahasan at terorismo at ipupursige natin ang pagtugis sa lahat ng may kagagawan ng pag-atakeng ito kahit saan man sila pumunta para magtago," anang Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi makakatagpo ng kutang pagtataguan ang mga ito dito man sa loob ng bansa at mga kalapit na bansa ng Pilipinas. (Ulat ni Lilia Tolentino)