Foot and mouth disease kalat na sa bansa

Ibinunyag kahapon ng Department of Agriculture-National Meat Inspection Commission (DA-NMIC) na kalat na sa mga produktong karne sa Metro Manila na may foot-and-mouth disease (FMD).

Bunga nito, hinikayat ni Dr. Efren Nuestro, Director ng NMIC, ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng produktong karne sa anumang pamilihan laluna sa mga palengke.

Ayon kay Nuestro, upang di mabiktima ng mga mapagsamantalang negosyanteng nagbebenta ng mga hot meat, tiyaking may tatak ng pagkakasuri ng NMIC ang bibilhing karne.

"Yung balat ng karne, titingnan n’yo kung may tatak ng pagkasuri ng NMIC para makatiyak na ligtas sa FMD," pahayag ni Nuestro.

Sinabi rin nito na ang tindahan ng karne ay dapat may stall no. upang matiyak na legal ang operasyon nito.

Ang karneng ligtas kainin ay mamula-mula ang laman, hindi malagkit, hindi mabaho, walang namumuong dugo bukod sa may tatak ng pagkakasuri.

Gayunman, sinabi ni Nuestro na nagpakalat na siya ng mga tauhan sa mga slaughterhouse sa Metro Manila, gayundin sa mga pamilihan at palengke para makaiwas na makabili ng hot meat ang publiko. Galing aniya sa karatig-lalawigan ang mga karneng may FMD. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments