Ayon kay Pangulong Arroyo, ang lahat na local na opisyal ang siyang mamumuno sa paglilinis sa komunidad dahil ang kalinisan ay isang mabisang panugpo sa SARS.
Sa Anti-SARS Summit na dinaluhan ng mga lokal na opisyal sa Philippine International Convention Center kahapon, sinabi ng Pangulo na ipis ang nagpakalat ng coronavirus ng SARS sa gusali ng Amoy Gardens sa Hong Kong na nakaapekto sa 300 biktima dahil ikinalat ng ipis ang mikrobyo sa dinadaanan nilang sewage system.
Sinabi ng Pangulo na mayroon mang SARS o wala, ang kalinisan ay kalusugan at ang kalusugan ay kayamanan ng isang matatag na Republika.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na sakalit mayroong mga pasyente sa ibat ibang rehiyon ng bansa hindi na sila kailangang dalhin pa sa San Lazaro Hospital o Research Institute for Tropical Medicine dahil may mga pagamutan nang itatayo sa ibat ibang rehiyon na siyang pagdadalhan ng mga pasyenteng may SARS.
Ang mga ospital na ito ay magkakaroon ng hustong pasilidad at gamot na kukunin mula sa P500 milyong pondo para sa rehiyon.
Magugunitang ang Pangulo ay naglaan ng P1 bilyon para makontra ang SARS.
Si Health Secretary Manuel Dayrit na itinalaga ng Pangulo na chairman ng Anti-SARS committee ang tutukoy sa mga ospital na pagdadalhan ng mga pasyenteng may SARS o hinihinalang may SARS. (Ulat ni Lilia Tolentino)