Sinabi kahapon ni PNP spokesman Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na kasalukuyan pa nilang inaasikaso kung mabibigyan ng hazard pay ang mga pulis na masasabak sa misyon para tumulong sa Department of Health laban sa SARS.
Nagpalabas kahapon si PNP chief, Director General Hermogenes Ebdane ng four-point guidelines para sundin ng mga pulis na matatalaga sa mga lugar na may hinihinalang SARS.
Tutulong ang mga pulis sa pagbibigay ng seguridad sa mga screening area, pagkontrol sa galaw ng mga tao sa mga lugar na may quarantine at monitoring sa mga ito. Ang mga pulis rin ang magsasagawa ng background check sa mga taong nagkaroon ng close contact sa loob ng tatlong araw ng mga hinihinalang SARS patient.
Bibigyan naman ng PNP ng sapat na proteksiyon ang mga pulis tulad ng mga dental masks, goggles, bitamina at titiyakin na susunod ang mga ito sa health advisory ng DOH.
Sa kasalukuyan, nananatiling 12 katao ang hinihinalang mayroong probable SARS sa bansa kasama na dito ang doktora at nurse na nag-asikaso kay Mauricio Catalon. Wala nang lagnat ang doktora maging ang lalaking nurse. Gayunman, kailangan pa rin kumpletuhin ng mga ito ang 10 araw na incubation at 14-day quarantine period upang masigurong hindi nahawaan.
Mayroong kabuuang 391 katao ang namamatay dahil sa SARS at 5,865 ang mayroon nito mula sa 27 bansa, kasama na dito ang panibagong pagtala ng WHO sa Poland na mayroon nang local transmission sa 3 katao. (Ulat ni Danilo Garcia/Jhay Mejias)