Ito ang nabulgar na modus operandi kahapon hinggil sa talamak na pagbebenta sa mga biktima sa halagang P700 sa mga kliyente na karamihan ay matatandang Intsik matapos na masagip ang anim na kabataang babae na residente ng lungsod na ito sa isinagawang serye ng operasyon sa Parañaque City at Cavite.
Kasabay nito, inihayag ni Antipolo City Police P/Supt. Primitivo Tabujara Jr. ang pagkakadakip sa umanoy bugaw na si Roselle Hernandez habang pinaghahanap pa ang isang Fil-Chinese na umanoy utak sa naturang child trafficking.
Si Hernandez ay nasakote sa isinagawang raid sa safehouse nito sa Brgy. Mayamot, Antipolo City matapos ituro ng mga biktima kung saan sila dinala ng suspek.
Ayon kay Tabujara, ang mga nasagip na biktima ay natangay sa pambobola ng suspek. Kinaibigan umano sila at saka niyayang ipapasyal sa Coastal Mall sa Parañaque at pagkatapos ay magsu-swimming sa Bacoor, Cavite.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima ay dinadala ng suspek sa kontak nila sa Coastal Mall na siya namang nagdadala sa mga biktima sa hindi nabatid na lugar sa Bacoor. Dito nagaganap ang bentahan sa mga ito sa halagang P700 sa kanilang mga parukyano.
Umaabot na sa 15 biktima ang umanoy nakaladkad ng suspek sa prostitusyon.
Sa kasalukuyan, himas rehas ang suspek sa detention cell ng Antipolo City Police habang inihahanda ang pagsasampa dito ng kasong child trafficking at kidnapping. (Ulat ni Joy Cantos)