Ayon kay Beltran, tanging ang mga mayayaman lamang sa ngayon ang may kakayahang labanan ang SARS sa pamamagitan nang pagbili ng mga protective mask at mga bitamina.
Dahil sa liit ng sahod ng mga ordinaryong manggagawa, mas uunahin ng mga ito ang pagbili ng kanilang pagkain kaysa sa mga protective o surgical masks.
Hindi rin anya makatugon ang mga maliliit na manggagawa sa panawagan ng Department of Health (DOH) na palakasin ang kanilang immune system sa pamamagitan ng mga masusustansiyang pagkain at pag-inom ng bitamina.
Dapat anyang isama ng Arroyo administration sa "counter-SARS campaign" nito ang pagtataas ng sahod ng mga empleyado at health benefits ng mga ito.
Sa ngayon aniya ay ang mga nagta-trabaho at mga mahihirap ang posibleng maging SARS carrier dahil lagi silang nasa labas ng bahay.
Bukod sa SARS, pinoproblema rin ng mga mahihirap ang sakit na tuberculosis (TB) at ordinaryong pneumonia. (Ulat ni Malou R. Escudero)