Danding 'manok' ni Erap sa 2004

Hindi si Senador Panfilo Lacson kundi si business tycoon Eduardo "Danding" Cojuangco ang susuportahan ni dating Pangulong Joseph Estrada at ng pamilya nito sakaling ipursige nito ang pagtakbo bilang presidential candidate sa 2004 elections.

Ito ang kinumpirma kahapon ng isang mapagkakatiwalaang source mula sa kampo ni dating Pangulong Estrada.

Ayon sa source, bagaman matunog na si Senador Lacson ang susuportahan ng pamilya Estrada ay mas malakas umano si Cojuangco sa pinatalsik na lider dahil may magandang pinagsamahan ang dalawa sa larangan ng pulitika.

Hindi man umano hayagang sabihin ni Estrada na nakuha ng magpatawad sa ilang mga taong nakasakit sa damdamin nito ay nakaukit na umano sa puso ng pinatalsik na lider ang konting sama ng loob kay Lacson.

Nabatid na sumama umano ang loob ni Erap kay Ping dahil sa huling sandali noong patalsikin ito sa kapangyarihan sa kainitan ng EDSA 2 noong Enero 2001 ay nakuha nitong talikdan ang kanyang commander-in-chief matapos na kumalas na rin sa dating pangulo ang mga opisyal ng militar na pinangunahan ng noo’y dating AFP Chief Gen. Angelo Reyes.

Binigyang diin pa ng source na higit na naging matibay ang samahan sa pulitika nina Estrada at Cojuangco dahil minsan na ang mga itong nag-tandem sa 1992 national elections kung saan tumakbo si Danding bilang presidential candidate at running mate naman nito si Erap. Nagwagi si Erap bilang bise presidente subalit natalo si Danding kay dating Pangulong Ramos. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments