Ayon sa Wolrd Health Organization (WHO), natukoy na ng mga dalubhasa ng Canada ang genetic code ng SARS makaraan ang masusing pag-aaral mula sa mga nakuhang samples o ispesimen ng mga naging biktima ng nasabing nakamamatay na sakit.
Ang mga samples ay mula sa 12 laboratories na nakuha sa ibat ibang parte ng mundo na mayroong outbreak ng SARS.
Sinabi ng WHO, ang pagkatuklas sa Urbani virus na dahilan ng SARS ay mas matindi pa sa mga viruses na corona at paramyxo.
Samantala, sinabi ni DOH Sec. Manuel Dayrit na kinokonsidera pa rin ng WHO na ligtas sa SARS ang Pilipinas.
Nabatid sa findings ng isang 64-anyos na dayuhang pinagsususpetsahan na may SARS na nakapasok sa bansa na pneumonia ang sakit nito base sa resulta ng kanyang x-ray subalit wala naman siyang respiratory difficulties.
Ipinayo na manatili muna sa ospital ang dayuhan habang inoobserhan ang kanyang kalagayan.
Kaugnay nito, patuloy pa rin na kinukumbinsi ng DOH si Ilocos Norte Gov. Bong-Bong Marcos na i-urong nito ang naging desisyon na suspensyon sa mga biyahe ng Laoag International Airlines (LIA) dahil sa pangambang mapasukan ng pasaherong may SARS ang nasabing lalawigan.
Ayon kay Dr. Consorcia Lim-Quizon, OIC ng National Epidemiologist Center ng DOH , kinukumbinsi pa rin nila si Marcos upang iatras ang kautusan nito na hindi papasukin sa LIA ang mga eroplanong lalapag mula China, Hong Kong, Singapore, Vietnam, Indonesia, Thailand at Malaysia na maipatutupad ngayong araw. (Ulat ni Jhay Mejias)