Kahapon ay hindi pa nagpapalabas ng panibagong kautusan ang Malaysia kung bibigyan pa ng tsansang mabuhay si Andy Baginda, 28, tubong Brgy. Bucana, Siocon, Zamboanga del Norte o itutuloy ngayon ang pagpapatupad ng parusang bitay o death by hanging.
Si Baginda ay nakatakda sanang bitayin noong Marso 14, 2003 subalit base na rin sa kahilingan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Pangulong Arroyo ay nagbigay ng pagkakataon ang Deputy Prime Minister ng Malaysia na pag-aralan ang kaso nito.
Subalit, wala pa ring kasagutan ang Malaysian Foreign Affairs sa liham ng magulang ni Baginda na ipinadala sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia sa pamamahala ni Ambassador Luis Cruz na humiling na pababain na lamang ang hatol o parusa sa kanilang anak.
Si Baginda ay hinatulan noong 1998 ng korte ng Malaysia dahil sa kasong drug trafficking matapos na mahulihan ng may 811 gramo ng marijuana noong Disyembre 13, 1996.
Sinabi ni Baginda sa kanyang magulang na hindi niya kailanman ginawa na magtulak ng ipinagbabawal na gamot kundi na-set-up lamang ito.
Ipinasa lamang umano sa kanya ng isang lalaki ang bag na may lamang marijuana at ilang sandali ay may dumating na Malaysian police at siya at inaresto. (Ulat ni Ellen Fernando)