Sa isang panawagang pinalabas sa mga Pinoy sa mga bansang apektado ng SARS, sinabi ng Pangulo na wala siyang intensiyong pigilan sa pag-uwi ngayong Semana Santa ang mga kababayan natin para magbakasyon.
Pero dapat anyang alalahanin nila ang kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay na maaaring mahawa ng SARS kung uuwi silang hindi pa magaling sa karamdaman.
"If you feel you might be sick or a carrier of SARS, please stay where you are and wait out the course of recovery. This is the sacrifice I am asking for the sake of our country, and I shall be greatful for your forbearance," anang Pangulo.
Nauna rito ay nagpalabas ang pamahalaan ng travel advisory na nagpapayo sa mga manlalakbay na Pilipino na huwag munang magtungo sa Hong Kong at Guandong, China para makaiwas sa misteryosong sakit na nakamatay na ng 111 katao habang 2,888 ang kumpirmadong dinapuan.
Inirekomenda rin ng Department of Foreign Affairs ang pagpapatupad ng 30 araw na suspensiyon sa pagpapadala ng mga manggagawa sa Hong Kong.
Nilinaw ng Malacañang na ang travel advisory ay hindi dapat na ikasama ng loob ng China. (Ulat ni Lilia Tolentino)