Ayon kay DTI Sec. Mar Roxas, sa naturang proyektong Pinoy Pandesal ang small and medium enterprises (SMEs) sa bansa ay magtutulungan na manatiling mababa ang presyo ng tinapay at 25 gramo pa rin ang timbang.
Ang Pinoy Pandesal ay ginagamitan ng Harina de Pan de Sal na tinuklas ng San Miguel Corp. Ang arinang ginagamit sa bansa ay spring wheat na 100 porsiyentong inaangkat sa Amerika, Australia, Canada at China. Bagaman nananatiling P1 bawat isa ay mataas pa rin ang kalidad na may sangkap na Vitamin A at iodized salt.
Dahil sa pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar, sinabi ni Roxas na malubhang naapektuhan ang presyo ng arina sa lokal na pamilihan.
Ang presyo ng arina sa kasalukuyan ay umaabot sa P470 bawat 40 kilong sako sa National Capital Region.
Sa paglulunsad ng Pinoy Pandesal, ginanyak ng Pangulo ang maliliit at katamtamang laking panaderya na samantalahin ang P10 bilyong pondo para sa SMEs para makautang at mapalaki ang kanilang negosyo.
Sinabi ng Pangulo na ang puwedeng makautang sa SME fund ay yaong mga negosyong hindi umaabot sa P1 milyon ang kapital.
Ang pautang ay may interest na 9% at puwedeng makautang ang kuwalipikadong aplikante ng hanggang P5 milyon. (Ulat ni Lilia Tolentino)