Sinabi ni NBI Director Reynaldo Wycoco na sapat na ang kanilang mga hawak na witness upang maipakulong si Lacson at ang mga dati nitong tauhan kabilang na sina Michael Ray Aquino, Cesar Mancao, Jewel Canson, Romeo Acop at Francisco Zubia.
Sina Mancao, Aquino at Canson ay nakalabas na ng bansa habang sina Acop at Zubia ay narito pa sa Pilipinas.
Ayon kay Wycoco, malabo na nilang magamit bilang testigo si SPO2 Eduardo delos Reyes na ngayon ay nasa Canada at si SPO2 Corazon dela Paz dahil sa pagbawi ng kanilang mga testimonya, subalit matibay umao ang testimonya ng mga testigo na sina P/Insp. Abelardo Ramos at Insp. Ismael Yu, pawang kasapi ng Special Task Force; SPO1 Noli Senoy, SPO1 Wilor Medes, Mario Enad at dating tabloid reporter na si Mandy Capili.
Si Ramos umano ang nakarinig sa utos ni Lacson na patayin ang mga suspek.
Ayon pa kay Wycoco, hinihintay na lamang umano nila ang arrest warrant na ibababa ng korte laban sa mga suspek upang mahiling na rin ang extradition para kina Mancao, Aquino at Canson.
Nilinaw rin ni Wycoco na walang bahid pulitika ang pagbubukas ng Kuratong case dahil taong 1995 naganap ang krimen at wala pang deklarasyon si Lacson na tatakbo ito sa 2004 presidential elections.
At para agad na maaresto si Lacson, isasampa na ng DOJ ang petisyon para maipalabas ang warrant of arrest laban sa senador. (Ulat nina Grace dela Cruz/Malou Escudero/Danilo Garcia/Gemma Amargo/Angie dela Cruz)