Sa botong 10-4-1, humatol ang mayorya ng mga SC justices na buhayin ang kaso dahil hindi nabasahan ng sakdal si Lacson noong ito ay nakabinbin pa sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Wenceslao Agnir Jr.
Iginiit ng SC na masasaklaw lamang si Lacson ng dalawang taong provisional dismissal sa kanyang kaso sa ilalim ng Rule 117 Section 8 kung nabasahan ito ng sakdal. Nangangahulugan din ito na maaari nang isyuhan ng warrant of arrest ang senador at ang iba pang akusado sa oras na maging pinal ang desisyon. Bukod dito, malabo ring makapagpiyansa si Lacson dahil ang murder ay isang karumal-dumal na krimen.
Ayon naman sa abugado ni Lacson na si Atty. Sigfrid Fortun, dalawang taon nang natulog ang kaso ng senador sa QCRTC kaya dapat lamang masaklaw ito ang bagong batas na mismo ang SC ang nagpasa.
Inatasan na ng SC si QCRTC Judge Maria Theresa Yaddao na maari na itong magpalabas ng warrant of arrest laban sa senador sa oras na maging pinal ang kanilang desisyon.
Mayroon namang 15 araw si Lacson upang maghain ng kanyang motion for reconsideration upang mabaligtad ang hatol ng SC.
Bukod kay Lacson, kasama rin sa mga kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) sina Directors Jewel Canson, Romeo Acop, Chief Supt. Francisco Zubia, Sr. Supt. Michael Ray Aquino, Cesar Mancao at 32 iba pang PNP officials.
Magugunita na si Lacson ang dating hepe ng binuwag na Presidential Anti-Crime Commission (PACC) at itinurong utak sa pagpatay sa 11 miyembro ng Kuratong Baleleng robbery syndicate noong May 18, 1995.
Samantala, ikinalungkot ni Lacson ang naging ruling ng SC. Maliit na lamang umano ang tsansa niya na mapagbigyan ang kanyang mosyon. Umaasa siyang maging patas ang mga SC justices sa kanilang magiging desisyon. (Ulat nina Gemma Amargo/Rudy Andal)