Speaker De Venecia magpapa-quarantine!

Magsisilbing halimbawa si House Speaker Jose de Venecia matapos na ihayag nito kasama ang iba pang Kongresista na boluntaryong magpapa-quarantine kaugnay sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) matapos na manggaling ang mga ito sa Shanghai, China na sinasabing isa sa bansa na apektado ng virus.

Ikinalugod naman ng Malacañang ang hakbang ni De Venecia bilang panimula ng kooperasyon ng publiko sa layunin ng pamahalaan na ipasailalim sa quarantine ang mga dumarating na Pilipino mula sa China, Vietnam, Singapore at Hong Kong sa Ninoy Aquino International Airport.

Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Arroyo na nananatiling ligtas ang Pilipinas sa killer pneumonia.

Samantala, sinusuri na ang isang domestic helper sa San Lazaro Hospital kung nagtataglay ito ng SARS matapos na dumating ito sa NAIA kamakalawa.

Agad na dinala sa nasabing pagamutan ang manggagawa na hindi ibinunyag ang pangalan matapos na nilalagnat nang dumating ito sa bansa mula sa Hong Kong. (Ulat nina Ely Saludar/Ellen Fernando)

Show comments