Sinabi ni Chief Special Prosecutor Dennis Villa-ignacio na nakagawa ng plunder si Ejercito dahil sa sistematikong paglalagay ng pera sa kanyang account at paglilipat nito sa Jose Velarde account na pinaniniwalaang pag-aari ni dating Pangulong Estrada.
Sa testimonya ni Marie Rose Claudio, dating vice president ng Urban Bank at naging branch manager sa Greenhills, San Juan, Annapolis branch ng naturang bangko, inutusan siya ni Urban Bank chair Arsenio Bartolome na magbukas ng isang trust account na may pangalang 858 at may initial deposit na P10 milyon.
Matapos ang tatlong linggo, dinala niya ang mga dokumento sa dating opisina ni Ejercito sa Pearl Plaza condominium at doon niya nalaman na ito ang may-ari ng naturang account.
Sinabi pa ni Claudio na inuutusan ni Ejercito si Lucena Ortaliza, personal aide ni dating Pangulong Estrada para magsagawa ng transaksiyon sa kanyang bangko.
Idinagdag ni Villa-ignacio na ginamit lamang ni Ejercito si Ortaliza bilang front upang mapagtakpan ang paglilipat ng pera sa Jose Velarde account.
Ayon naman sa mga abogado ni Estrada, walang maipakitang mga orihinal na dokumento bilang ebidensiya ang prosekusyon at pawang mga xerox copy lamang ang kanilang ipinirisinta sa korte. (Ulat ni Malou Escudero)