Account ni JV nabuksan ng Sandiganbayan

Hindi naharang ng mga abugado ni San Juan Mayor Joseph Victor "JV" Ejercito ang pagbubukas kahapon ng Sandiganbayan Special Division sa trust account no. 858 ng alkalde.

Nabigo ang kampo ni Ejercito na makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema.

Sa ginawang pagdinig, humarap sa korte si Philippine Deposit Insurance Corp. vice president Aurora Baldoz na siyang nagdala sa korte ng mga dokumento ng account ni Ejercito.

Nabunyag na P182 milyon ang napunta sa account ni Ejercito patungo sa Jose Velarde account na pinaniniwalaang pag-aari ni dating Pangulong Estrada.

Lumabas na sa unang transaksiyon, si Lucena "Baby" Ortaliza ang nag-withdraw ng P107.7 milyon mula sa account ni Ejercito at nilagay naman ito sa Jose Velarde account.

Hindi naman nabatid kung si Ortaliza pa rin ang nag-withdraw sa ikalawang transaksiyon kung saan P75 milyon ang na-withdraw sa account ni Ejercito at muling inilagay sa Velarde accout,

Tinatayang P36 milyon lamang ang natira sa account ni Ejercito sa Urban Bank dahil dalawang araw bago nagsara ang nasabing bangko ay may nag-withdraw uli ng P107.2 milyon. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments