Ito ay batay sa pinaka-latest survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) sa hanay ng mga collecting agencies ng pamahalaan.
Alinsunod sa survey, nakakuha ang LTO ng 22 percent positive performance rating mula sa 150 respondents.
Pumangalawa ang Social Security System (SSS), Securities and Exchange Commission (SEC), local taxes at National Statistics Office (NSO).
Bunsod nito, nagpahayag ng komendasyon si DOTC Secretary Leandro Mendoza sa matagumpay na sistemang ipinaiiral ni LTO Chief Roberto Lastimoso sa ahensya para mabigyan ng tunay at sapat na serbisyo publiko ang taumbayan.
Ito ay sinabi ni Mendoza sa ginanap na turn-over ceremony ng LTO Audio-Visual Presentation on Road Safety para sa mga drivers sa pamamagitan ng Stradcom, service provider ng LTO.
Ikakalat sa lahat ng district at extension offices ng LTO ang kopya nito para higit na mapabilis ang information dissemination sa hanay ng mga motorista sa pagrerehistro ng mga sasakyan at pagkuha ng lisensiya nationwide, partikular sa Metro Manila.
Pinasalamatan din ni Lastimoso ang mga tauhan, mga opisyal at concerned agencies dahil sa pagtulong na mapabuti ng LTO ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko. (Ulat ni Angie dela Cruz)