Isang minuto pagkalipas ng alas-9 ng umaga ngayon, wala nang atrasan ang gagawing pag-atake ng Amerika matapos na mapaso ang taning na ibinigay ni Bush kay Saddam.
Binalewala ni Saddam ang pag-aalburoto ni Bush at nanindigan na huwag umalis sa Iraq at isuko ang posisyon nito.
Sinabi ni Saddam na handa ang kanyang militar, armas at mamamayan sa pagsasagawa ng "terorismo" ng US sa kanyang bansa.
Tinatayang may 300,000 hukbong sandatahan ng US ang itatapat sa 350,000 sundalo ng Iraq pero mas nakakahigit ang mga warships ng US kumpara sa Iraq. Pinakamalaking puwersa ng Amerika ang Navy na may 130,000 tropa.
Sa pamamagitan ng hi-tech weapons ay kayang pabagsakin si Saddam sa loob lang ng isang linggo puwera na lang kung gumamit ng biological at chemical weapons ang Iraq o ang kinatatakutang nuclear weapon.
Hinihinalang maraming madadamay na sibilyan sa Baghdad na may 8 milyon ang populasyon dahil sa tahasang paghayag ng mga ito na lalaban din ng mano-mano sa US troops.
Walang balak umalis ang mga residente dito kahit na bombahin pa sila ay lalaban hanggang sa huling sandali.
Naniniwala ang mga Iraqi na hindi makatarungan ang ginagawang panggigipit sa kanila ng Amerika.
Maging ang mga kabataan na may edad 16 pababa at mga kababaihan ay nagkakaisa sa Iraq at may mga hawak na ring armas upang ipaglaban ang kanilang bansa na planong sakupin ng pamahalaang US.
Ang Baghdad ang unang target ng US warships sa pamamagitan ng plinanong air assaults mula sa nakaantabay na libu-libong sundalong Kano.
Nagpahayag ang US na hindi na sila mapipigil sa kanilang paglusob bagaman wala itong basbas ng United Nations Security Council. (Ulat ni Ellen Fernando)