Aerobic trade technology sagot sa masaganang ani

Inilunsad kahapon ng Department of Agriculture (DA) ang pinakabagong sistema sa pagpapa-unlad at pagpapabuti ng ani ng palay sa bansa kahit na panahon ng tag-tuyot at ito ay sa pamamagitan ng "aerobic rice technology."

Ang nabanggit na teknolohiya ang pinakabagong pamamaraan ng mga magsasaka sa pagtatanim ng palay dahil dito, kahit kulang ang irrigation system at walang gaanong patubig ang pananim, maaaring maging matagumpay ang ani ng mga magsasaka sa bansa.

"Ang hakbang na ito ay matagal nang inaplay sa China at Brazil at upang mapunan ang problema sa patubig sa mga pataniman dito sa Pilipinas, gagamit tayo dito ng aerobic rice technology," pahayag ni DA Secretary Luis Lorenzo.

Ang palay na ginamitan ng aerobic technology ay lalaki dahil sa oxygen na taglay ng lupa dito. Ang kasalukuyang sistema ay ang pagtatanim na walang oxygen at kinakailangan ng matinding suplay ng tubig.

Ang naturang proyekto ay joint effort ng iba’t ibang grupo ng magsasaka sa bansa, Philrice, National Irrigation Administration at International Rice Research Institute. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments