Binawian ng buhay habang ginagamot sa H-Ville Hospital ang biktimang si Jon-Jon Sazo, ng Lot 14 Phase 1 Erap City nasabing subdivision.
Ayon sa tiyahin ng biktima na si Judith Daen, 24, dakong alas-11 ng tanghali kahapon habang naglalaro ang bata kasama ang iba pang kalaro nang bumili ang mga ito ng plastic balloon sa isang tindahan.
Binanggit ni Daen na habang nagkakatuwaang naglalaro ang mga bata ay kagat-kagat nito ang isang plastic balloon na may hugis na parang tsupon kung saan sa labis na katuwaan ay nagtatalon pa umano ang biktima.
Nabatid na si Jon-Jon at kanyang mga kalaro ay nagluksuhan pa sa ibabaw ng kanilang kama at sa katatawa ay nalunok umano nito ang hinihipang plastic balloon.
Pagbagsak sa kama ay agad na tumirik ang mata ng paslit matapos na mabulunan ng plastic balloon na nalulon nito.
Mabilis namang sumaklolo ang mga miyembro ng barangay task force at isinugod sa ospital ang bata subalit binawian rin ito ng buhay pagkalipas ng ilang minuto.
Kaugnay nito, nakatakda naman hilingin ng mga kaanak ng biktima sa Department of Trade and Industry na suriin ang produktong nabili ng mga bata na hinihinalang may halong kemikal na nakamamatay.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang naturang kaso.(Ulat ni Joy Cantos)