Ito ang naging pahayag kahapon ni Muntinlupa Rep. Raffy Biazon kaugnay na rin sa pahayag ni NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal na nagkaroon na ng tactical alliance ang NPA at MILF.
Sinabi ni Biazon na ang naging alyansa ng dalawang rebeldeng grupo ay mayroong multiplier effect dahil kinakailangang lakihan ng AFP ang kanilang babantayang lugar.
Marami na anyang mga AFP troops ang ipinadala sa Central Mindanao at inaasahan na dahil dito ay marami pang tropang militar ang kukunin sa ibang lugar para ipadala doon.
Nangangamba ang mambabatas sa iiwanang lugar ng mga ipapadalang militar sa Mindanao.
Kabilang sa tungkulin ng AFP ay hindi lamang para sa combat operations kundi karagdagang preventive support sa pulisya laban sa insureksiyon.
Nagbabala si Biazon na kung itatalaga ng AFP ang mga tropa sa Mindanao para labanan ang MILF, posibleng samantalahin naman ito ng NPA para magsagawa ng opensiba sa mga lugar na skeletal force o wala nang militar kabilang na ang Luzon.
Dapat anyang seryosohin ng gobyerno ang pahayag ni Ka Roger at magbuo ng mga plano para labanan ang opensibang gagawin ng NPA at MILF. (Ulat ni Malou Escudero)