'RAM tumulong sa bansa' – Gringo

Hinimok kahapon ni Senador Gringo Honasan ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) na tumulong sa national recovery program ng gobyerno upang mapabuti ang kalagayan ng mamamayan.

Ginawa ni Sen. Honasan, bagong halal na pinuno ng RAM ang panawagan sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa sa ekonomiya at ang posibleng maging epekto kapag sumiklab ang digmaan sa pagitan ng US at Iraq.

"I call on all RAM members to contribute our share in setting in motion the national recovery process that will improve the lives of the Filipino people," ani Honasan na isa sa mga vice-presidentiable sa ginawang reunion at special meeting ng RAM sa Club Filipino sa Greenhills kamakailan.

Idinagdag ng mambabatas na magiging katuwang ng gobyerno ang RAM sa muling pagbangon ng ating bansa gaya ng ginampanan nitong papel sa 1986 People revolt na nagbigay daan upang makamit muli ng bansa ang demokrasya.

Nagkaisang hinirang si Honasan na maging pinuno ng steering committee ng RAM nina Col. Tony Daza, Col. Raffy Galvez, ng Phil. Army; Col. Tito Legaspi at Col. Toto Bernarte, ng Phil. Air Force; Navy Capt. Boy Turingan, pawang mga retirado, P/Dir. Vic Batac at CIDG chief Ed Matillamo ng Phil. National Police. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments