Ayon kay Mohammed ElBaradei, pinuno ng International Atomic Energy Agency, kailangan muna nila ng ilang buwan upang tuluyang alamin na may nuclear weapon program ang Iraq.
Sinabi pa ng UN chief nuclear inspector na ang pagsasagawa ng giyera laban sa Iraq ay hindi pa sigurado at ang nasabing bansa ay may pagkakataon pang ipakita ang pagtupad sa pangako na isuko nito ang mga mapamuksang armas.
Hiniling ni ElBaradei na bigyan pa sila ng karagdagang dalawa hanggang tatlong buwan upang ganap na makapagbigay ng matibay na konklusyon na ang Iraq ay nagtataglay nga o hindi ng weapons of mass destructions.
Noong Biyernes ay nagkaisa ang US, Britain at Spain sa pamamagitan ng kanilang ipinalabas na resolusyon na nagbibigay ng ultimatum sa Iraq hanggang sa Marso 17 upang makipag-kooperasyon sa kahilingang pagdidis-arma o harapin ang digmaan.
Ang panukala aniya na pangalawang UN resolution sa ngayon ay hindi sinasang-ayunan ng karamihan at kailangang humarap sa posibleng veto.
Naniniwala ang UN inspector na hindi pa tuluyang makakatupad ang Iraq sa ibinigay na March 17 deadline subalit inaasahan nito na magpapakita ang nasabing bansa ng aktibong kooperasyon bago sumapit ang ultimatum.
Sakali umano na tuluyang pumayag ang Iraq na isuko ang kanilang mapaminsalang sandata, hindi rin agad-agad na maisasagawa ang pagsamsam sa mga ito bago ang itinakdang taning ng US dahil posibleng tumagal ito ng ilang buwan.
Kaugnay nito, nakatakdang iharap ngayong linggo ng US at Britain kay Iraqi president Saddam Hussein ang kanilang klarong disarmament tasks at ultimatum na susundin nito upang maiwasan ang planong military actions na ipapatupad laban sa Iraq.
Base sa report, nagpaplano na ang British at US airborne na magsagawa ng lightning assault sa Saddam International Airport sa Baghdad bilang bahagi ng kanilang opensiba sa Iraqi capital sa loob ng 72 oras sa paninimula ng giyera.
May British paratroopers mula sa 16 Air Assault Brigade ang susuporta sa mga sundalong Kano mula sa 101st at 82nd Airborne Divisions sa pag-atake sa mga airports ilang oras umano matapos ang go-signal ng US kasunod ng ultimatum.
Ang mga combat jets na armado ng satellite guided bombs ang una umanong wawasak sa air defense sites at troops na nagbabantay sa airfield bago lumapag ang mga paratroopers at helibornes troops mula sa taas na 250 talampakan o 75 metro.
Samantala, binigyan ng pahintulot ng Kingdom of Saudi Arabia ang US troops na magamit ang kanilang Northern airports malapit sa Iraqi border upang magsilbing depensa lamang at makapaghanda sa posibleng pagdagsa ng mga refugees sa oras ng digmaan.
Ito ang nilinaw ni Prince Sultan bin Abdul-Aziz, Saudi Minister of Defense matapos ang pagdagsa ng US troops sa hilagang bayan ng Arar malapit sa airport kasabay ng pagsasagawa ng joint military exercises sa pagitan ng kanilang mga sundalo at US troops sa garrison town ng Tabuk.
Kaugnay nito, tumanggi ang Malacañang na sumakay sa panibagong ultimatum ng US at kaalyadong bansa laban sa Iraq.
Sinabi ni Presidential spokesman Ignacio Bunye, nananatili pa rin ang Pilipinas sa paninindigan nito na hintayin ang pormal na resolusyon ng UN Security Council bilang huling pasya kung aatakihin ang Iraq. (Ulat nina Ellen Fernando, Ely Saludar, ng Reuters at AFP)