Ayon kay PNP director for community relations Director Ricardo de Leon na napagkasunduan ng matataas na opisyal ng PNP na gawing panauhin sa isinasagawang regular-flag raising ceremony sa Camp Crame ang batang si Joe Allan Mendoza o si Jam-jam na siyang tawag sa kanya ng kanyang pamilya.
Ayon kay Marissa Mendoza, tiyahin ni Jam-jam na ang kanyang pamangkin ay masyadong energetic at masayahin.
"Dinadala ko siya sa paaralan hanggat makakaya ko. Pinapayagan pa nga siya ng mga co-teacher ko na sumama sa kanilang klase dahil alam nila ang sitwasyon ni Jam-jam," pahayag pa ni Marissa na isang Grade-6 teacher sa Turbina Elementary School sa Calamba, Laguna.
Binanggit pa nito, na tiwala si Jam-jam na marami siyang matututunan sa paaralan, sa kabila umano ng tinataglay nitong karamdaman ay nagpa-participate ito sa grade 1 class.
Ayon pa kay Marissa nalaman lamang ang sakit na leukemia ni Jam-jam noong ito ay tatlong taon pa lamang. Kailangan pa umano nitong sumailalim sa isang taong pang chemotherapy at umaasa sila na makaka-survive ang bata.
Ang pangarap ni Jam-jam na maging isang pulis ay bibigyang katuparan ng pamunuan ng PNP na naghahanda na para sa isang malaking event na iaalay sa bata.
Pinagpatahi pa ito ng police uniform at saka pasasakayin kasama ang uniformed policemen sa prowl car ng PNP at saka iikot sa kampo.
Nabatid na ang pangarap ng bata ay isinulat ng kanyang tiyang si Marissa sa Make a Wish Foundation na siya namang nakipag-koordina sa PNP.
Bukod dito, kabilang din sa wishlist ni Jam-jam ay ang makita ang child actor na si John Prats, magkaroon ng sapatos na may gulong at makapasyal sa Manila Zoo. (Ulat ni Cristina Mendez)