Sa pahayag ni Major General Romeo Dominguez, AFP Northern Luzon Command (Nolcom) chief, anumang oras ay ilulunsad ng NPA ang binabalak nitong "maximum damage" laban sa military at pulisya.
Target ng "sabotage operations" ang mga liblib na police at military detachments, mga pampublikong pasilidad at iba pang pangunahing instalasyon.
Ang naturang mga plano ng NPA ay kinumpirma ng AFP at PNP assets na nasa communist underground movement.
"Their aim is to make a show-of-force on or before the NPA anniversary to prove that they remain as a strong force to reckon with notwithstanding all the debacles they have suffered," sabi ni Dominguez.
Kabisado umano ng militar ang takbo ng utak ng mga teroristang ito kaya alerto ang mga tropa ng pamahalaan bilang paghahanda sa anumang mangyayari.
Itinatag ang NPA noong March 29, 1969 sa Barangay Sta. Rita sa Capas, Tarlac bilang guerilla armed forces ng Communist Party of the Philippines (CPPA).
Ang initial fighters ng NPA ay nanggaling mula sa hanay ng binuwag na Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), armed wing ng dating Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), na pinamumunuan ni dating rebel leader Bernabe "Kumander Dante" Buscayno na tubong Tarlac.
Si Buscayno, kasama ang iba pang HMB fighters, ay kumalas sa PKP ng sumali ito sa pwersa ng mga batang komunistang radikal sa pamumuno ni CPP founding Chair Jose Ma. Sison, na ngayoy self-exile sa Utrecht, the Netherlands.
Si Sison, ang CPP at NPA ay binansagang mga "terorista" ng bansang Pilipinas matapos silang ihanay ng Amerika at Europe sa listahan ng Foreign Terrorist Organization. (Ulat ni Benjie Villa)