Ayon sa ulat ng Explosive Ordnance Disposal Team na rumesponde, nakatali sa sikmura ng naturang suicide bomber na kinilalang si Emaran Macalogi, residente ng Simuay, Sultan Kudarat, ang sumabog na bomba na ikinasugat ng 10 katao.
Nakilala ito sa dokumentong nakuha sa kanyang bangkay matapos na magkalasug-lasog ang katawan.
Itinaon umano ng namatay na suspek ang pambobomba sa araw ng Huwebes na pangkaraniwang dinaragsa ng mga mamimili ang naturang palengke sa may Mapanao st., Kabacan.
Ayon sa mga awtoridad, posible umanong isang bala ng 60mm mortar o isang rocket-propelled grenade na dinagdagan ng mga shrapnel at pulbura kaya mas malakas ang naging pagsabog.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Rey Maqueso, 17; Lolita Adrias, 64; Myril Habahab, 19; Saturnino Espinosa, 23; Armie Mangrose, 36; Arjay Habahab, 1-anyos; Edyn Aguirre, 22; Alma Caingles, 32; Julius Lorenzo at isa pang hindi nakuha ang pangalan.
Sinisiyasat pa kung ang insidente ay ugnay sa muling pagdagsa ng mga tropang Amerikano sa Sulu para sa panibagong Balikatan 03-1 joint RP-US military exercises.
Patuloy namang bineberipika ng mga awtoridad kung miyembro ng MILF si Macalogi.
Nauna rito, dalawang electric towers ng Napocor ang muling pinasabog ng MILF dakong 1:45 ng madaling-araw sa may Brgy. Tagintingin, Kauswagan, Lanao del Norte. (Ulat ni Danilo Garcia)