Sinabi ni Sen. Loi Estrada, dapat imbestigahan ng Senate blue ribbon committee si Sec. Camacho at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa pagpayag ng mga ito ng hayagang pagnanakaw sa pamahalaan.
Ayon sa Senate resolution 544 ni Sen. Estrada, hindi dapat pinayagan ni Camacho na magkaroon ng tax exemption ang Honda CRV dahil nalugi ang gobyerno ng P1.4 bilyon.
Nagpahayag din ng pangamba si Sen. Ramon Magsaysay Jr. na umabuso sa kanyang kapangyarihan sa ilalim ng batas ng DOF dahil tanging ang Kongreso lamang ang maaaring magpataw ng panibagong buwis.
Pinaratangan naman ni Sen. Aquino-Oreta si Camacho na anti-consumer o anti-masa dahil sa pakana nitong patawan ng excise tax ang mga Asian Utility Vehicles (AUVs) gayong ginagamit itong poor mans car.
Sa ilalim ng planong excise tax ni Camacho, ay inaasahang makakalikom ito ng P230 milyon gayong hindi umano nito naisip na ang ibinigay nitong tax exemption sa Honda CRV noong nakaraang taon ay nagpalugi ang sa gobyerno ng P1.4 bilyon.
Inihayag ni Sen. Estrada na ang mga sasakyang kahanay ng Honda CRV tulad ng Toyota Rav 4, Suzuki Vitara at Ford Escape ay nagbabayad ng mataas na buwis. (Ulat ni Rudy Andal)