Sinabi ni Task Force Cervantes head, Chief Supt. Romeo Maganto na hindi umano nila nasakote si Camacho dahil sa tuluyang sumali na ito tatlong linggo na ang nakakaraan sa Pentagon Kidnap-for- Ransom Gang sa Surala, Cotabato.
Inamin ni Maganto na bunsod ng pagsanib nito ay labis na nahihirapan ang kanyang mga tauhan na arestuhin si Camacho.
Nakumpirma ang pagsali sa Pentagon ni Camacho ng makita ito sa binisidad ng Brgy. 10, Surala kasama ang ilang miyembro ng Pentagon. Nasa ilalim ng proteksyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Pentagon kung saan maaari lamang nilang madakip ito sa oras na malupig ng AFP ang mga rebelde at isuko na ang mga ito sa pamumuno ni Tahir Alonto.
Matatandaan na nagpadala ng isang grupo ng Task Force Cervantes si Maganto sa Mindanao para umaresto kay Camacho na naunang naiulat na pinoprotektahan umano ng kanyang sundalong tiyuhin.
Samantala, aminado rin si Maganto na nahihirapan silang harapin at tukuyin ang eksaktong kinalalagyan ngayon ni Supt. Rafael Cardeño, ang pangunahing suspek sa pamamaslang kay Cervantes matapos na mag-back out na rin ang abugadong pumalit kay Atty. Homobono Adaza sa pakikipagnegosasyon sa pagsuko nito.
Sina Camacho at Cardeño ay kapwa may patong sa ulo na P1 milyon reward. (Ulat ni Danilo Garcia)