Sa ilalim ng batas na ito, ang mga Pinoy sa ibang bansa ay maaari nang makaboto sa napipisil nilang kandidatong presidente, bise presidente, senador at sectoral representatives.
Ang mga kuwalipikadong botanteng Pilipino ay puwedeng magparehistro sa itatakdang lugar at panahon ng Commission on Elections sa lugar na kanilang kinaroroonan.
Kailangan nilang magharap ng pasaporte at iba pang legal na dokumentong aprubado ng Department of Foreign Affairs.
Ang mga balota at iba pang kailangan sa pagrerehistro ay ipapadala ng Comelec sa mga embahada, konsulado at iba pang tanggapan ng DFA.
Ang mga botanteng nasa ibang bansa ay maaring bumoto ng personal sa mga embahada, konsulado at iba pang itatalagang botohan sa kanilang lugar na kinaroroonan.
Para sa tinatawag na personal voting, nagtakda sa kanila na makaboto sa loob ng 30 araw samantala 60 araw naman para sa mga nagtatrabaho sa barko o seafarer.
Ang bilangan ng boto ay gagawin sa mga embahada at konsulado at iba pang lugar na itatakda ng Comelec.
Ang Comelec ang itinalagang ahensiyang eksklusibong magpapatupad ng Absentee Voting Law.
Samantala, tuluy-tuloy na ang pagpapatupad ng modernisadong electoral system sa bansa ng Commission on Elections (Comelec) makaraang aprubahan ni Pangulong Arroyo ang P3-B pondo para sa May 10, 2004 national at local elections.
Sa panayam kay Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr., ang karagdagang P500-M sa P2.5-B na ipinagkaloob ng Pangulo sa poll body ay tama lamang para maisulong na ang validation at systematization ng voters list, automated counting at canvassing of votes at ang electronic consolidation and transmission of results para sa halalan sa 2004.
Ayon kay Abalos, magtatayo ang Comelec ng 102 electoral precints sa 102 bansa para makaboto ang 7.2 milyong OFWs batay na rin sa batas ng Absentee Voting.
Sinabi ni Abalos na kakailanganin ng komisyon na makapagpadala ng mahigit kumulang sa 102 personnel ng Comelec na siyang titingin sa magaganap na eleksiyon. (Ulat nina Lilia Tolentino/Jhay Mejias)