Sa per curiam decision ng SC en banc, sinibak sa posisyon si San Fernando Pampanga Municipal Trial Court Branch 2 Judge Rodrigo Flores.
Sa inihaing reklamo ni Atty. Maria Elissa Valdez, kinikilan siya ni Judge Flores kapalit ng mabilis na pagdedesisyon sa kanyang kasong sibil na nakabinbin sa sala nito tungkol sa ejectment case ni Atty. Velez laban kina Jaime Mendoza, Florante Salonga, Eduardo Vital at Ernesto Romero.
Kinasuhan ni Velez ang naturang judge ng incompetence, gross ignorance of the law at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices.
Sa reklamo ng abugado noong Hunyo 13, 2000 kay Executive Judge Pedro Sunga na inihain naman sa tanggapan ni Chief Justice Hilario Davide Jr., sinabi nitong ilang ulit nagpahiwatig sa kanya si Judge Flores para mangikil.
Sinabi ni Velez na nooong Mayo 23, 2000 sinabihan siya ni Flores ng mga katagang "baka puwede mo na lang bigay sa akin ang offer mo sa mga kalaban ninyo?"
Ito ay makaraang mabigo ang magkabilang partido na mauwi sa isang kasunduan ang kanilang ejectment case.
Naiprisinta rin ng abugado ang isang liham noong Disyembre 19, 1997 ni Judge Flores na dito ay humihingi ang hukom ng salapi at alak.
Itinanggi naman ng hukom ang alegasyon dahil sa bawal umano sa kanya ang uminom ng alak dahil siya ay isang diabetic.
Binalewala ng SC ang depensa ni Flores at nilinaw na dapat ang isang hukom ay magsisilbing halimbawa sa pagsusulong ng batas at hustisya sa bansa at hindi sila ang unang lumalabag sa kanilang tungkulin.
Bukod sa pagkakasipa sa puwesto, kinansela rin ang lahat ng benepisyo ni Flores at binawalang pumasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno. (Ulat ni Gemma Amargo)