Ang temporary ceasefire ay sa gitna ng ginagawang pagtugis ng tropang militar sa mga bandido na kinabibilangan ng Pentagon kidnap gang at Abu Sayyaf na nagtatago umano sa kampo ng MILF.
Ayon kay Presidential Assistant for Mindanao Jesus Dureza, pinuno ng panel ng pamahalaan, magpapatawag siya ng pulong ng ceasefire committee sa Cotabato City para sa pagpapatupad ng tigil-putukan.
Ang ginagawang opensiba ng militar ang siyang balakid sa panunumbalik ng pormal na peace talks na nakatakdang gawin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa buwang ito. Wala pang opisyal na pahayag ang Palasyo kung muling itatakda sa susunod na buwan ang negosasyong pangkapayapaan sa MILF.
Nabatid na daang mga residente na ang nagsilikas sa naturang mga lugar sa takot na madamay sa nagaganap na labanan. (Ulat ni Lilia Tolentino)