Bagaman at tutol ang nasa 12,000 kawani nang bubuwaging BIR, lumusot ang panukala sa isinagawang hearing ng komiteng pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada.
Siniguro naman ni Lozada sa mga empleyado ng BIR na hindi lahat ay matatanggal sa kanilang trabaho dahil muli silang kukunin ng bagong itatayong ahensiya.
Ang inaprubahang panukala ay mula sa consolidated bill na House Bill No. 5054 o International Revenue Management Authority (IRMA) at HB No. 5465 o ang National Authority Revenue Administration (NARA).
Iginiit naman ng BIR Employees Association (BIREA) na bigyan sila ng limang buwang sahod sa bawat taon na kanilang ipinagserbisyo sa BIR.
Sinabi ni CIBAC Partylist Rep. Joel Villanueva na hindi makatarungan ang hinihingi ng BIREA dahil aabot sa P10.3 bilyon ang mawawala sa pamahalaan.
Magugunitang ibinunyag kamakalawa ni Villanueva na maliban sa 5-month separation package na hinihingi ng BIREA ay bibigyan pa rin ang mga ito ng one-month separation benefit mula sa GSIS. (Ulat ni Malou Escudero)