Sa dalawang pahinang resolusyon ng CA 9th division sa panulat ni Associate Justice Bennie Adefuin-dela Cruz, sinabi ng Appellate court na hindi muna nila aaksiyunan kaagad ang hinihinging temporary restraining order (TRO) ni Enrile hanggat wala pang isinasampang paliwanag ang Meralco at Napocor.
Bukod dito, binigyan din ng 10 araw ng CA ang Meralco para ihain ang kanilang komento. Ang kanilang paliwanag ang magsisilbing kasagutan at depensa sa kanilang panig.
Samantalang 5 araw naman ang ibinigay ng CA sa kampo ni Enrile para sa kanilang reply matapos isumite ng Meralco ang kanilang paliwanag. Layon nito na bigyan naman ng pagkakataon si Enrile na kontrahin ang bawat argumentong ilalagak sa CA ng naturang kumpanya.
Magugunita na umapela si Enrile sa CA upang itigil ng Meralco ang pangongolekta sa publiko ng PPA dahil isa umano itong pag-abuso sa kanilang kapangyarihan.
Nais ng grupo ni Enrile na baligtarin ng CA ang naunang hatol ni Pasig City Regional Trial Court branch 167 Judge Alfredo Flores noong Agosto 8, 2002 na nagbasura sa kahilingan nina Enrile para sa preliminary injunction dahil sa kawalan naman ng hurisdiksiyon ng RTC na hawakan ang usapin at sa pag-abuso din umano sa tungkulin ni Judge Flores ng ipagkait nito ang hinihingi nilang injunction na pabor sa sambayanan. (Ulat ni Gemma Amargo)