Ang House Bill 5658 ay inihain ni Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, na nagsasaad na matukoy at mapatawan ng kaparusahan ang mga magnanakaw na opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal.
Kinakailangan umanong makipagtulungan sa mga awtoridad at sa tanggapan ng Ombudsman ang mga impormante na magsusumbong sa mga nadiskubre nilang katiwalian.
Nabatid na ang reward na ibibigay sa impormante ng graft and corruption ay ibabatay sa sahod ng kanilang opisyal na isusumbong .
Unang ipagkakaloob sa impormante ang 50 porsiyento ng kabuuang reward sa sandaling maisampa ang kaso at ibibigay naman ang natitirang 50 % sa sandaling mahatulan at makulong na ang suspect.
Maliban sa nasabing reward, ipagkakaloob rin sa impormante ang 15 hanggang 25% nang mababawing salapi mula sa opisyal na nagnakaw.
Samantalang bibigyan rin ng proteksiyon ang mga impormante upang hindi malagay sa peligro ang kanilang buhay dahilan sa posibleng paghihiganti ng sinumang opisyal na kanilang isusuplong. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)