Ayon kay Armed Forces Chief, Gen. Dionisio Santiago, malaki ang posibilidad na giyerahin rin ng Iraq ang Pilipinas at isentro ang pagsalakay sa puwersa ng Amerika na nasa bansa para magbigay ng mensahe at iparamdam sa lahat na ang pakikisimpatiya sa mga Amerikano ay walang puwang sa mundo.
Sinabi ni Santiago na kayang ulitin ng mga terorista ang ginawa nila noong December 2000 nang pasabugin nila ang LRT station sa Blumentritt.
"These are the same terror tactics. It will just be a repetition of what they have been doing, but maybe on a bigger scale, that is the most dangerous part of it," sabi pa ni Santiago.
May nakaantabay nang military battalion bilang ready force na ikakalat sa mga lugar sa bansa. Nakikipag-ugnayan na rin ang military sa puwersa ng pulisya.
Si Pangulong Arroyo ang pinaka-lantarang Asian supporter sa giyera laban sa terorismo.
Ang tahasang pagsuporta niyang ito sa Amerika ay kinondena ng ibat ibang sektor dahil malinaw umanong ang pagkatig niya sa plano ng US na salakayin ang Iraq ay pagpapakita nang pagsalungat sa milyun-milyong tao sa mundo na nananalanging huwag sumiklab ang giyera sa Middle East.
Ayon kay Rep. Maza, nakuha niya ang impormasyon hinggil sa paghahanda ng nasa 500 sundalong "volunteer."
Ang bawat isang sundalo na tutulong sa Amerika ay bibigyan umano ng $250 bawat araw hanggat hindi natatapos ang giyera.
Sinabi ni Maza na kung tutuusin ay napakaliit ng nasabing halaga kumpara sa 1.6 milyon na Filipino sa Middle East na maapektuhan ng US-Iraq war.
Tiyak aniyang madadamay ang Pilipinas at posibleng gumanti ang mga mamamayan ng Iraq kapag tinulungan ng mga sundalong Filipino ang Amerika.
Kasabay nito, inilunsad ang "Legislators Against War" (LAW), isang samahan ng mga mambabatas na tutol sa pagsuporta ng Pilipinas sa hakbang ng Amerika.
Nangangalap na rin ngayon ng 1 milyong lagda ang mga kabataang estudyante upang ipakita ang kanilang matinding pagtutol upang harangin ang posibleng pagsuporta ni Pangulong Arroyo hinggil sa usaping ito.
Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), ang malilikom na lagda ay kanilang ipadadala sa Malacañang, sa Kongreso at sa United Nations na naglalayong ipakita ang tunay na posisyon ng sambayanang Pilipino sa pinangangambahang giyera sa pagitan ng dalawang naggigiriang bansa. (Ulat nina Joy Cantos, Malou Escudero at Danilo Garcia)