Sinabi ni DepEd Secretary Edilberto de Jesus na kinakailangan ang naturang pagsusulit upang malaman ang kakayahan ng mga guro para magturo ng salitang Ingles.
Aminado naman si de Jesus na malaking problema umano kung ang mga guro na inaasahang sanay sa nasabing wika ay pumalpak sa pagtuturo nito sa kanyang mga estudyante dahil sa halip na matuto ay mababaluktot rin ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Ayon kay de Jesus, wala pang pinal na petsa para sa isasagawang test dahil sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa umano ang magiging sistema kung saan ay posible itong ipatupad sa susunod na buwan.
Nilinaw naman ni de Jesus na ang sinumang babagsak sa proficiency test ay hindi dapat mangamba na matatanggal sa trabaho o magkakaroon ng hindi magandang record.
Aniya, kung sino man sa mga guro ang makikitang mahina sa wikang English subalit nagtuturo ng mga subjects na may kaugnayan dito ay irerekomenda na lamang na kumuha ng mga subjects na hindi kailangan ang masyadong pagsasalita ng wikang English.
Binigyang diin pa ni de Jesus na dapat umanong maging bihasa ang mga esudyante sa wikang English hindi lamang sa elementarya at sekondarya, gayundin sa kolehiyo bagay na maisasakatuparan kung mahusay magsipagturo ang kanilang mga guro. (Ulat ni Joy Cantos)