Ayon kay Nograles, nagkaroon ng internal conflict ang mga presidentiables ng partido noong nakaraang presidential elections kaya hindi nakaporma si de Venecia at natalo ito ni dating Pangulong Estrada.
Napakarami aniyang resources ang naaksaya dahil sa pagla-lobby ng mga presidentiables sa kanilang mga ka-partido na umaasang sila ang magiging standard bearer ng Lakas-NUCD.
Nagresulta ito sa pagkakaroon ng splinter groups tulad ng Probinsiya Muna (PROMDI) ni dating Cebu Governor Lito Osmeña at Reporma ni dating Defense Sec. Renato de Villa na kumalas sa partido matapos piliin bilang panlaban si JDV.
Naniniwala si Nograles na kung hindi nagkawatak-watak ang partido ay posibleng tinalo ni JDV si Estrada.
Noon namang 1992 ay natalo rin sa presidential race si dating Speaker Ramon Mitra ng Laban ng Demokratikong Pilipino na dating ruling party, dahil sa ginawang pagbubuo ni dating Pangulong Ramos ng partidong Lakas.
Posible anyang seryoso ang oposisyon na si Sen. Panfilo Lacson ang ilalaban nito sa presidential race kaya dapat na ring ihayag ng Lakas ang kanilang pantapat kay Lacson.
Bagaman mas may advantage ang administration party dahil sa resources at machinery na hawak nito, hindi umano dapat maliitin si Lacson na isang seryosong presidential contender. (Ulat ni Malou Escudero)