Bansag na terorista sa NPA alisin muna

Upang umusad umano ang naudlot na usapang pangkapayapaan, iminungkahi kahapon ni Sen. Rodolfo Biazon na tanggalin muna ang grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) bilang ika-34 sa talaan ng Foreign Terrorist Organization (FTO) sa buong mundo.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Biazon, vice chairman ng Senate committee on national defense, na isa sa mga nakikita niyang paraan para manumbalik ang peace talks ay alisin ang nasabing pagdedeklara sa CPP-NPA ni Jose Ma. Sison bilang mga dayuhang teroristang dapat kasindakan.

Isa sa kahilingan ng CPP-NPA para tanggapin ang "draft accord" na alok ng gobyerno ay alisin muna ang pagkakadeklara sa kanilang terorista bago bumalik sa negosasyon.

Pero walang plano si Pangulong Arroyo na bawiin ang bansag na terorista sa NPA bagaman patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang negosasyong pangkapayapaan sa grupo.

Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, mahirap bawiin ang ikinapit na taguring terorista sa NPA kahit na hinihiling nila ito para manumbalik ang peace agreement.

Ayon kay Bunye, ang pangkat ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs ay nagpunta noon sa Netherlands para lakarin ang pagkakapit ng bansag na terorista sa NPA at hindi ito basta-basta maiaatras. (Ulat nina Lilia Tolentino/Joy Cantos)

Show comments