Style n'yo bulok – GMA

Style n’yo bulok.

Ito ang mensahe ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa isinampang impeachment case laban sa kanya na aniya’y "lumang tugtugin na paulit-ulit".

Binansagan pa ng Pangulo sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye ang mga nagpapasimuno sa impeachment sa pangunguna nina ex-Senador Juan Ponce Enrile at Francisco Tatad na "gutom lang sa publisidad".

Ayon kay Bunye, hindi dapat ikumpara ang liderato ng Pangulo sa dating administrasyon ng kanyang mga kalaban dahil napakalayo ng diperensya.

Kinastigo ng Malacañang ang grupong nagsusulong ng impeachment case laban sa Pangulo dahil isa umanong malinaw na pamumulitika at may kinalaman sa 2004 national elections.

Sinabi pa ng Malacañang na kulang lang sa pansin ang nasabing grupo. Masyado rin umano ang maagang paglulunsad nina Enrile at Tatad ng kanilang senatorial campaign.

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi makakalusot ang impeachment case dahil wala umano itong basehan.

Inihayag ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bagaman hindi pa nila nakikita ang impeachment complaint ay tiniyak na hindi ito uusad.

Mismong si Speaker Jose de Venecia ang nagpahayag na ang reklamo ay mga dati ng alegasyon na ilang beses nang nalathala sa mga pahayagan.

Tiniyak naman ni Minority Leader Carlos Padilla na wala silang ibinibigay na "commitment" o pananagutan sa People’s Consultative Assembly (PCA) na susuportahan ng minorya ang impeachment complaint laban sa Pangulo.

Idinagdag ni Padilla na kahit miyembro sila ng oposisyon, hindi ito nangangahulugan na awtomatiko silang pabor sa impeachment complaint laban sa Pangulo lalo na kung wala itong matibay na basehan.

Inamin ng mambabatas na nilapitan siya kamakalawa ng gabi ni PCA Counsel Homobono Adaza subalit wala naman itong ipinakikitang dokumento na sumusuporta sa sinasabing impeachment complaint. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments