Dumating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang minaltratong OFW na si Merlyn Taberna, nasa hustong gulang, bandang ala-1 ng hapon sakay ng Saudi Arabian Airlines flight SV-862 .
Bakas pa sa mukha ni Taberna ang matinding hirap na dinanas sa Kuwait matapos na dumulog sa tanggapan ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na nakabase sa NAIA upang humingi ng tulong bago tuluyang maka-uwi sa kanilang tahanan.
Sa salaysay ng biktima, nagsimula ang kanyang kapansanan dahil sa halos maghapong pamamalantsa.
At sa matinding pagod ay paulit-ulit pa rin siyang inuutusan ng kanyang among maglaba at kapag dumaing ng patinding pagod ay sinusuntok at tinatadyakan ito.
Hanggang sa dumating ang oras na makaramdam ng pamamanhid sa katawan at di-makakilos ang mga paa ng biktima.
Nang makita ni Hammad ang kalagayan ni Taberna ay dinala sa pagamutan subalit hindi na muling sinipot ito.
Sa tulong ng mga kawani sa ospital ay inireport sa Philippine Consulate sa Kuwait ang sitwasyon ni Taberna sanhi upang matulungan ang nasabing OFW na makabalik sa bansa upang mabigyan ng sapat na medikasyon.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Hammad. (Ulat ni Butch Quejada)