Sa reklamo sa Central Police District-Criminal Investigation Unit ng mag-asawang Jefferson at Maricel Gregana ng Peacock St., Area 1, Sitio Veterans, Brgy. Silangan, QC sinisisi nila ang isang nagngangalang Angielyn Curada, ang tumatayong in-charge sa Immunization section sa Sitio Veterans health center, sa pagkamatay ng biktimang si Kimberly Gregana.
Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Marcelino Castillo ng CPD-CIU, dinala ang sanggol dakong alas-11 ng tanghali kamakalawa para sa naturang bakuna.
Lumilitaw na nagkaroon ng programa hinggil sa immunization sa anti-polio ang barangay kasabay ang pagbibigay ng libreng gamot sa mga residente.
Subalit matapos ang pagtuturok ay nagkaroon ng pamamaga at nagdugo ang bahagi ng tinurukan sa sanggol.
Agad ibinalik ng mag-asawa sa health center ang biktima upang lapatan ng lunas subalit sa ilong naman lumabas ang dugo.
Kahapon ng umaga, nagulat na lamang sila nang makitang matigas na bangkay na ang kanilang anak.
Ayon naman pulisya, iimbitahan nila ang nabanggit na in-charge sa pagpapabakuna upang alamin kung mayroong iregularidad sa medikasyon na ibinigay sa biktima. (Ulat ni Doris Franche)