Campos, Viña murder magkaugnay - NBI

Tinitingnan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anggulong may koneksiyon ang pagpatay kay Sr. Supt. Teofilo Viña sa pagkakapatay noon kay Supt. John Campos na lover ni Mary Ong aka Rosebud.

Ipinaliwanag ni NBI Director Reynaldo Wycoco na sina Campos, Ong at Viña ay pawang may mga koneksyon kay Senador Panfilo Lacson noong ito ay PNP chief pa.

Ayon kay Wycoco, pinagtataka nito ang sunod-sunod na pagpatay sa mga dating tauhan ni Lacson. Noong Disyembre 5 ng madaling araw sa isang restaurant sa Parañaque City ay tinambangan si Campos ng ilang armadong kalalaki na kung saan ay nadamay dito ang kahera na si Emily Dumlao.

Si Campos na dating lover ni Rosebud ay naghiwalay ng landas matapos na ibulgar ng huli na sangkot ang una sa malawakang drug trafficking sa bansa at dito ay isinasangkot si Lacson.

Kaya naman sa pagkamatay ni Campos ay agad na ibinulgar ni Rosebud na planado ang pagpatay dahil sa nais na nitong bumaligtad at isiwalat ang iligal na aktibidades nito partikular na ang droga.

Sinabi pa ni Rosebud na wala umano siyang ibang maisip na posibleng magpapapatay kay Campos bukod Lacson dahil umano kilala niya ang ugali ng senador na walang konsensiya na magpapatay ng tao para hindi na makapagsalita.

Ang lahat namang ito ay pinabulaanan ni Lacson sa pagsasabing rurok ng kawalanghiyaan si Rosebud na ginagamit sa pamumulitika.

Si Viña naman na dating opisyal ng binuwag na PAOCTF na pinamunuan ni Lacson ay tinambangan kamakalawa ng gabi sa isang pagtitipon sa Tanza, Cavite.

Si Viña ay pangunahing suspek sa kidnap-murder sa PR man na si Salvador Dacer at sa driver na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.

Agad namang naaresto ang pumatay kay Viña na si Medar Cruz, 25, may-asawa at empleyado ng Mitsubishi sa Virginia Beach at kadarating lamang sa bansa noong Disyembre 27.

Pinaghahanap din ang isang pang suspek na si Renato Joshue Arrenas, dating miyembro ng Cavite PNP na nawala agad matapos malamang kukunan siya ng statement para magbigay ng linaw sa krimen.

Samantala, makikipag-ugnayan din ang NBI sa Federal Bureau of Investigation (FBI) upang makakuha ng background ng pamumuhay ng suspek na si Cruz.

Nais alamin ng NBI kung ano ang pamumuhay ni Cruz sa US at kung ano ang motibo nito sa pagpatay kay Viña.

Ang pagkasawi ni Viña ay isang malaking kawalan sa mga imbestigador dahil sa magiging tulong nito sa ikalulutas ng kasong pagpatay kina Dacer at Corbito. (Ulat nina Grace dela Cruz at Danilo Garcia)

Show comments