Ito ang naging panawagan ni Sen. Barbers, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs, kaugnay sa pinakahuling biktima ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite na ikinasawi ni 4th class cadet Joefry Andawi na umanoy pinahirapan ni 3rd class Jomery Polquiso.
Ayon kay Barbers, maghahain siya ng panukala sa Senado upang susugan ang umiiral na Anti-Hazing Law na magbabawal na magsagawa ng hazing sa mga university at colleges maging sa Philippine Military Academy (PMA) at PNPA.
Wika pa ni Barbers, hindi kinakailangang saktan ang isang estudyante na sumasapi sa anumang samahan bilang bahagi ng pagsubok bagkus ay dapat maging sukatan ang academic record at iba pang mga pagsubok na hindi bayolente.
Sa kasalukuyan ay may katapat lamang na parusang 20 taong pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang lumabag.
Magugunita na ipinatawag ni Polquiso ang kadeteng si Andawi kasama ang iba pang plebo sa loob ng comfort ng PNPA sa Camp Castaneda sa Silang, Cavite at dito ay pinagpapalo ng kahoy ang mga ito.
Bago pinalabas ng CR ay sinuntok pa umano sa dibdib ni Polquiso si Andawi at sa sobrang sakit ay napasubsob ang biktima sa bowl at humampas ang ulo sa bakal hanggang sa bumagsak sa semento at masawi.
Kinasuhan na ang suspek na si Polquiso na nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya habang inihayag naman ng pamunuan ng PNPA na posibleng patalsikin na rin ito sa academy dahil sa pagdaraos nito ng hazing gayung mahigpit itong ipinagbabawal. (Ulat ni Rudy Andal)