Itoy matapos na kapwa hindi patulan nina CPP Founder-Chairman Jose Maria Sison at NPA spokesman Gregorio Ka Roger Rosal ang balaking pagtatayo ng unity government dahil hindi umano kailanman maaaring makipag-isa ang kilusang rebolusyonaryo sa kasalukuyang gobyerno.
Sa isang radio interview, sinabi ni Ka Roger na wala naman umano silang nakikitang anumang matibay na basehan para sumanib sa naturang plano dahil hindi nila gugustuhing makasama sa pagbagsak nito matapos na tuluyan nang bumagsak ang rating ni Pangulong Arroyo.
Samantala, sa nilalaman naman ng e-mail na ipinadala ni Sison sa komunistang kilusan, bagaman may maganda umanong intensyon si Pangulong Arroyo at si House Speaker Jose de Venecia sa pagsusulong ng government of national unity, para sa kanila ay madali lamang itong sabihin pero mahirap gawin.
Inihalimbawa ni Sison ang magkasalungat na pananaw ng komunistang grupo at gobyernong Arroyo sa isyu ng mga usaping panlabas tulad ng relasyon nito sa super power na bansang Amerika.
Sa halip na isulong ang plano, sinabi ni Sison na makabubuting igalang na lamang ng pamahalaan ang mga agendang napagkasunduan ng GRP at panig ng CPP hinggil sa usapang pangkapayapaan.
Kaugnay nito, taliwas naman ang naging posisyon hinggil sa nasabing alok ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos magpahayag ng kahandaan para tanggapin ito.
Iminungkahi ni MILF spokesman Eid Kabalu na daanin lamang sa tamang channel ang usapin upang umanoy mapagpasyahan ng kanilang Central Committee.
Matatandaang kasunod ng pagdeklara ng pag-atras sa 2004 presidential elections, inihayag ng Pangulo ang pagnanais na magtayo ng unity government kung saan kabilang ang maka-kaliwang kilusan sa inaalok na umanib sila rito para sa pambansang pagkakaisa ng mga partido pulitikal sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)