Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, hindi naman kuwestiyon kung sino ang mamanukin ng Presidente dahil matagal pa ang eleksiyon. Kaya nga anya nag-anunsiyo siyang huwag nang kumandidato sa 2004 ay para mawala ang pamumulitika sa panahong nalalabi pa ng kanyang panunungkulan upang isulong ang kanyang mga programang pangkaunlaran.
Sa Enero 8 magpapatawag ng pulong ang Lakas executive committee para talakayin ang naging desisyon ng Presidente na siyang chairman ng partido.
Bagaman nagpasya na ang Pangulo na hindi na kakandidato sa 2004, sinabi ni Tiglao na nananatili itong isang "makapangyarihang personalidad" at ang mga pananaw niya ay higit na magiging makabuluhan.
Ang sinasabi anya ng Presidente ay nais niyang tugunin ng mga lider pulitiko ang hamon niyang mga pagbabago.
Hinggil sa planong kukunin ng Lakas si dating Education Secretary Raul Roco para siyang ikandidatong Presidente sa 2004, sinabi ni Tiglao na ang pasya ay gagawin ng Lakas sa tamang panahon.
Bukod dito, sinabi ni Tiglao na hindi naman miyembro ng Lakas si Roco bagaman ang partido nito ay kaalyansa ng Lakas. (Ulat ni Lilia Tolentino)