Sinabi ni Senator Joker Arroyo, nakausap niya si Cayetano sa telepono kamakailan at siniguro nitong siya mismo ang maghahain sa pagbubukas ng sesyon sa Jan. 13 upang matupad ang gentlemans agreement nila ni Senate President Franklin para sa term-sharing.
Ayon kay Arroyo, hindi man siya lumagda sa nasabing term-sharing agreement ay nakahanda naman siyang suportahan ang pag-upo ni Cayetano bilang senate president.
Ikinatuwa naman ni Cayetano ang naging pahayag ni Arroyo at nangako itong kaagad siyang babalik ng bansa matapos magpagamot ng kanyang liver illness sa Estado Unidos.
Sinabi naman ni Sen. Robert Barbers, walang dapat ipag-alala si Cayetano kaugnay sa term-sharing dahil nakahandang igalang ito ng mga senador mula sa administrasyon.
Siniguro naman ng oposisyon na hindi nila gagawing madali para kay Cayetano ang pag-upo bilang Senate president dahil sa pagkakasangkot nito sa BW resources inside trading kung saan ay inabsuwelto naman siya ng Senate committee on ethics pero hindi kumbinsido ang oposisyon hinggil dito. (Ulat ni Rudy Andal)