Sundalo bawal magdala ng baril sa bisperas ng Bagong Taon

Pinagbawalan na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng kanilang mga sundalo na magdala ng kanilang mga armas bago sumapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Tulad ng idineklara sa Philippine National Police (PNP), ang naturang kautusan ay upang maiwasan sa mga sundalo na paputukin ang kanilang mga armas. Epektibo ito mula alas-12 ng tanghali sa Disyembre 31 hanggang alas-12 rin ng tanghali ng Enero 1.

Niliwanag naman ni AFP spokesman, ret. General Eduardo Purificacion na hindi kasama sa gunban ang mga sundalo na naka-duty. Ito’y bilang pang-self defense umano sakaling magsagawa ng pag-atake ang New People’s Army (NPA) sa kabila ng ipinapatupad na suspension of military operations (SOMO) sa magkabilang panig.

‘‘For self defense lang ito, malaki ang posibilidad na samantalahin ng mga kalaban ang holiday at magsagawa ng pag-atake kaya nire-require pa rin ang mga sundalo na mag-armas at naka-full battle attire,’’ ani Purificacion.

Nagbabala si Purificacion sa mga sundalo na huwag ilalagay sa kahihiyan ang AFP kapag nahuli sila ng mga pulis na nagpaputok ng kanilang armas. Nakatakda rin silang makatanggap ng kaparusahan at pagsasampa ng kasong kriminal. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments