Ayon sa Pangulo, inaasahang lalo pang babagal ang usad ng ekonomiya ng bansa at ng buong mundo sakaling matuloy ang giyera sa Gulpo.
Dapat handa rin tayong magtiis at magpakasakit kung kailangan, lalo na kung babagal ang ekonomiya ng daigdig oras na magka-giyera, pahayag ng Pangulo sa kanyang New Years message.
Gayunman, hinikayat ng Pangulo ang sambayanan na magsama-sama at makipagtulungan sa pamahalaan upang makatawid sa kahirapan.
Samantala, muling tiniyak ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na handa ang Pilipinas sa pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Iraq at Estados Unidos.
Ayon kay Tiglao, nailatag na ang mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy na manggagawa sa Gitnang Silangan.
Sa kabila nito, umaasa si Tiglao na hindi gaanong tataas ang presyo ng langis na siyang pinangangambahan na epekto ng giyera. (Ulat ni Ely Saludar)